
Ieendorso na agad sa plenaryo ang Senate Bill 1215 o ang panukalang paglikha ng Independent People’s Commission (IPC) na isinusulong ni Senate President Tito Sotto III.
Ito’y matapos na tapusin ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang pagdinig tungkol sa panukala na gawing permanenteng batas ang binuong Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magiging IPC para sa mga imbestigasyon ng iba pang mga anomalya sa government infrastructure.
Ayon kay Senate Committee on Justice Chairman Kiko Pangilinan, bubuo na ng technical working group na siyang hihimay sa probisyon ng panukalang batas at sa pagbabalik sesyon sa November 10 ay inaasahang iisponsoran na ang committee report sa plenaryo.
Hihilingin din ng komite ang sertipikasyon ng pangulo upang mapabilis ang pag-apruba at pagsasabatas nito.
Suportado naman nina dating Senate President Franklin Drilon, dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, ICI Chairman dating Justice Andres Reyes Jr., at ICI member dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson ang pagkakaroon ng IPC.









