Panukalang magbabawal sa mga senador at kongresista na manghimasok sa mga infrastructure projects ng gobyerno, isinusulong ni Sen. Padilla

Agad na ipinasasabatas ni Senator Robinhood Padilla ang inihaing panukalang batas na layong pagbawalan ang mga senador at kongresista na makialam sa mga infrastructure projects ng gobyerno.

Sa Senate Bill 1299 o ang tinawag niyang “MAHIYA NAMAN KAYO ACT”, layunin nitong tuluyang pagbawalan ang mga mambabatas na mag-initiate, mag-identify, mag-endorso at magpa-singit ng infrastructure projects na popondohan sa ilalim ng national budget.

Pagbabawalan din silang manghimasok sa procurement process, gayundin sa pag-a-award ng kontrata at pagtatalaga ng mga tao sa mga ahensya na nagpapatupad ng proyekto.

Mahigpit ding silang pagbabawalan na maging kontratista, supplier, implementer o intermediaries ng mga proyekto.

Lahat naman ng mga project proposals ay magmumula na sa mga Local Government Units (LGUs) batay sa plano at evaluation ng Budget Department, Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Economy, Planning and Development (DEPDev).

Ang lalabag na mambabatas ay mahaharap sa pagkastigo ng Committee on Ethics at sasampahan ng mga kasong katiwalian at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards.

Facebook Comments