Sa botong pabor ng 276 mga kongresista ay inaprubahan ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6772 na magbibigay ng kapangyarihan sa pangulo ng Pilipinas na suspendihin ang nakatakdang pagtaas sa premium contribution ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Aamyendahan ng panukala ang Universal Health Care Act para mapahintulutan ang pangulo na iutos na huwag ipatupad ang scheduled increase ng premium rates sa panahon ng national emergency, kalamidad o para sa interes ng publiko.
Ang nakatakdang pagtataas ay itutuloy kapag naalis na ang alinman sa nabanggit na deklarasyon.
Base sa UHC, ang premium rate ng PhilHealth ay itataas sa 5% pagsapit ng 2024.
Nitong enero ng kasalukuyang taon ay nakatakda ang pagpapatupad ng 4.5% na increase sa premium contribution rate sa ilalim ng UHC Law pero pinasuspinde ito ni Pang. Ferdinand Bongbong Marcos Jr.