Manila, Philippines – Isinusulong ni Senator Leila De Lima ang panukala na pagbibigay ng medical parole sa mga terminally-ill o mga bilanggo na may malalang sakit.
Sa Senate Bill 2084 o medical parole act na inihain ni De Lima, maaaring bigyan ng ‘medical parole’ o ‘compassionate parole’ ang mga qualified inmates na may malalang sakit kung saan maaari silang sumailalim sa pangangalaga ng pamilya o kumuha ng medical treatment sa labas ng correctional facilities.
Ayon sa senadora na siya ring chairman ng senate committee on social justice, welfare and rural development, tinitiyak sa panukala na ang pagbibigay ng ‘conditional release’ sa isang preso ay hindi magiging banta sa seguridad at kaligtasan ng komunidad.
Ang pagbibigay ng medical parole ay depende pa rin sa antas ng medical condition ng isang inmate at titiyakin na ang presong mapagkakalooban nito ay lubhang malala ang sakit o hindi na makagawa o makagalaw kahit sa sarili lamang.
Maaari namang kontrahin o tutulan ng mamamayan o ng interested parties ang pagbibigay ng parole sa isang bilanggo lalo na kung sa tingin ng mga ito ay magiging banta sa seguridad ang paglabas sa kulungan.