Inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magbibigay ng tyansa sa mga undergraduate na makakuha ng bachelor’s degree gamit ang kanilang work experience.
Ito ay ang House Bill No. 9015 o panukalang Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) na nakakuha ng 251 botong pabor mula sa mga kongresista.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang programa ay ipinakilala noong 1996 sa ilalim ng Executive Order 330 na pirmado ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Sa ilalim ng programa ay palalakasin ang sistema ng academic equivalency at accreditation sa college level at maaari ng magamit ang mga natutunan ng isang senior high school graduate, post-secondary technical-vocational graduate, at college undergraduate student sa kanyang pagtatrabaho para makakuha ng kredito na kailangan upang makakuha ito ng bachelor’s degree.
Saklaw ng HB No. 9015 ang mga may limang taon o higit pang karanasan sa trabaho na nakalinya sa kurso na kanyang kinukuha.
Ang Commission on Higher Education (CHED) ang ahensya na mangunguna sa implementasyon ng panukala.