Isinulong ng limang mambabatas sa Mababang Kapulungan na maiprayoridad ang mga senior citizen na mabigyan ng trabaho.
Nakapaloob ito sa house bill 8972 na mag-aamyenda sa Republic Act 9994 para mailaan sa mga kwalipikadong senior citizen ang 1-porsyento ng mga posisyon sa gobyerno, mga tanggapan, o korporasyon.
Kasama dito ang mga pribadong korporasyon na mayroong 100 o higit pang empleyado.
Inihain ang panukala nina ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo, Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap, kasama sina Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo.
Base sa panukala, bibigyan ng insentibo ang mga kompanya na tatanggap ng mga senior citizen workers habang pagmumultahin naman ang mga hindi susunod.
Bukod dito ay una ring inihain ng nabanggit na mga kongresisa ang house bill 8942 na nag-oobliga naman sa mga kumpanya, pribado man o gobyerno na tumanggap ng mga mangagawang may kapansanan.