Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2019 o ang panukalang magtatatag ng patakaran para sa pagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga caregiver sa Pilipinas.
Sa botong 21 na pabor at wala namang tumutol o nag-abstain ay nakapasa sa plenaryo ng Mataas na Kapulungan ang panukala na magpapalakas sa karapatan ng mga caregivers.
Kabilang sa mga isinusulong ang panuntunan sa pagpapatupad ng employment contract, pagsusumite ng mga pre-employment requirements, hindi pagbabawas ng mga benepisyo, proteksyon mula sa hindi makatarungang pagtatapos ng serbisyo, proteksyon ng mga namamasukan mula sa mga pribadong employment agencies, settlement of disputes, paglilinaw sa tungkulin ng mga caregivers at mga pangunahing pangangailangan na dapat ibigay sa kanila ng kanilang mga employer.
Itatakda rin ang pagkakaroon ng minimum na walong oras na trabaho at ang pagbibigay sa mga caregivers ng overtime pay kapag lumampas sa walong oras ang duty.
Kasama rin sa panukala ang pagbibigay sa mga caregivers ng 13th month pay, karapatan sa pagkakaroon ng annual service incentive leave na hindi bababa sa limang araw na may bayad at mga benepisyo tulad sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.