Inihain ni Quezon Province Representative Reynate Arrogancia ang House Bill 232 o ang panukalang Tourism Protection and Assistance Council.
Ang konseho ay bubuuin sa ilalim ng Department of Tourism (DOT) nang may koordinasyon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga lokal na pamahalaan.
Layunin ng panukala ni Arrogancia na maproteksyunan ang mga lokal at dayuhang turista laban sa iba’t ibang paraan ng panloloko.
Ang panukala ni Arrogancia ay inaasahang daan para hindi na maulit ang viral post ng isang turista sa siningil na ₱26,000 na pananghalian sa Virgin Island sa Bohol.
Ipinag-uutos ng panukala ang pagtatalaga ng Tourist Help Desks kung saan maaring dumulog ang mga turista sa pamamagitan ng internet at telepono laban sa panloloko, panlilinlang, harassment sa kanila at sa panahon ng pangangailangan.
Bukod dito ay inihain din ni Arrogancia ang House Bill 233 na nagmamandato sa mga lokal na pamahalaan na tiyaking may probisyon ng first aid training at first aid kits ang mga tourism establishment.