Panukalang magbibigay sa Pangulo ng Anti-Red Tape emergency powers, lusot na sa Senado

Sa boto ng 23 mga senador ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill number 1844 o ang panukalang batas na magbibigay ng Anti-Red Tape emergency powers sa Pangulo sa panahon ng national emergency.

Bago ito ay ibinalita ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na sinertipikahang urgent measure ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nabanggit na panukalang magbabawas sa requirements at magpapabilis sa proseso ng pagkuha ng national at local permits, lisensya at mga certifications.

Pinapahintulutan din ng panukala ang Pangulo na magsuspinde o magsibak ng mga ospisyal at empleyado ng gobyerno.


Binigyang diin naman ni Senator Christopher Bong Go na kailangan ang panukala para matulungan na makabangon ang ekonomiya at mapabilis ang public service delivery lalo na ngayong may krisis ng COVID-19.

Panawagan ni Go sa lahat, magtulungan at magbayanihan para matanggal ang red tape at corruption sa ating burukrasya na magbubunga ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo mula sa gobyerno.

Facebook Comments