
Tiwala si Abra Rep. JB Bernos na maisasabatas na ngayong 20th Congress ang House Bill No. 3533 o panukalang Magna Carta for Barangays na matagal na panahon nang natengga.
Sinabi ito ni Bernos makaraang ihayag ni House Speaker Faustino Bodjie Dy sa idinaos na Barangay Congress na kasama sa mga prayoridad niya ang panukalang Magna Carta for Barangays.
Ikinalugod ni Bernos, na bilang dating local chief executive, nauunawaan ng speaker ang tunay na kalagayan ng mga barangay at kanilang mga opisyal.
Layunin ng panukala na gawin ng regular na empleyado ng gobyerno ang mga opsiyal ng barangay, kung saan gagawin ng fixed ang kanilang sweldo at bibigyan din sila ng mga allowance, insurance, retirement at iba pang benepisyo.
Diin ni Bernos, sa pagkamit ng inaasam na tunay na local autonomy ay mainam na simulan ito sa basic unit ng lipunan at yan ang mga barangay.









