Panukalang Magna Carta for PDRRM Workers, umuusad na

Nakabuo na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng draft para sa panukalang Magna Carta for Public Disaster Risk Reduction Management (PDRRM) Workers.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Bernardo Alejandro, may nakausap na rin silang mga mambabatas na handang magsulong ng panukala sa Kongreso.

Nakapaloob dito ang pagbibigay ng proteksyon at nararapat na mga benepisyo at kompensasyon sa mga miyembro ng PDRRM workers kasama na ang mga rescuer na katuwang ng pamahalaan sa pagtugon sa panahon ng kalamidad.


“Umuusad na po. Mayroon na kaming draft, nai-submit na namin ‘yan sa mga members ng Congress. Mayroon kaming ilang nakausap at ifa-file nila ‘yan once the Congress, nag-resume ng session. Next week yata magre-resume na sila. I hope po, magtawag na sila ng committee hearing para masimulan na ang proseso,” saad ni Alejandro sa panayam ng RMN DZXL 558.

Nabatid na ilang mga mambabatas at ahensya ng gobyerno ang nagpahayag ng suporta sa panukala kasunod ng insidente ng pagkamatay ng limang rescuer sa Bulacan sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Facebook Comments