
Hiniling ni Senator Bam Aquino na sertipikahan na ni Pangulong Bongbong Marcos na urgent ang Senate Bill 121 o ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) bilang solusyon sa malaking kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.
Ito’y matapos aminin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa budget hearing na 22 lang na silid-aralan ang completed o natapos para sa taong ito, malayo sa target na 1,700 na classrooms na kailangang matapos sa 2025.
Iginiit ni Aquino na bagama’t kabilang na sa priority measures ng 20th Congress ang panukala, dapat pa rin itong i-certify as urgent ng pangulo upang mapabilis ang pag-apruba ng panukala at maisakatuparan na rin ang mabilis na proseso ng pagpapatayo ng mga classrooms.
Kapag naging ganap na batas, aalisan na ng mandato ang DPWH sa pagpapagawa ng mga silid-aralan at ang pondo para sa pagpapatayo ng mga klasrum ay direktang ipapadaan na sa mga local government units lalo’t napatunayan naman na ang kakayahan nila sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Sa ilalim ng panukala ay papayagan ang mga LGUs at non-government organizations na magtayo ng mga classroom alinsunod sa mga pamantayan at alintuntunin ng Department of Education (DepEd) sa kanilang mga nasasakupan.









