Nakahain ngayon sa Kamara ang House Bill 8350 na mag-aamyenda sa Republic Act No.10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Layunin nitong mapalakas ang pagtugon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC sa mga kalamidad.
May-akda ng panukala sina House Speaker Martin Romualdez, Appropriations Committee Chairman Elizaldy Co at iba pang mga kongresista.
Itinatakda ng panukala na gawing vice chairperson for infrastructure rehabilitation and repair ng NDRRMC ang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa kasalukuyan, ang NDRRMC ay pinangungunahan ng Defense Secretary at ang mga ahensyang kabilang dito ay may kaniya-kaniyang tinututukang pagresponde ngunit walang nakatutok sa imprastraktura.
Kabilang sa mga ahensyang kabahagi ng NDRRMC at nagsisilbing vice-chairs ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa disaster preparedness, Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa disaster response, Department of Science and Technology (DOST) para sa disaster prevention and mitigation at National Economic and Development Authority (NEDA) para sa economic relief and recovery.