Sa botong 23 ng mga senador kung saan walang komontra ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2124 o panukalang batas na magpapalakas sa Sangguniang Kabataan o SK.
Ayon kay Committee on Youth Chairman Senator Sonny Angara na siya ring principal author at sponsor ng panukala, tugon ito sa mga isyu kaugnay sa SK.
Itinatakda ng panukala na bukod sa SK chairperson ay magkakaroon na rin ng honoraria ang SK members na kukunin sa SK funds alinsunod sa ilalabas ng patakaran ng Department of Budget and Management.
Ayon kay Angara, ipinaloob nila sa panukala na ang 25 porysento ng SK funds ay ilalaan sa personnel services at mas malaking bahagi pa rin ang gagamitin sa mga programa at proyekto para sa mga kabataan.
Sabi ni Angara, pinapahintulutan din ng panukala ang Local Government Units (LGU) na magkaloob ng dagdag na honorarium, social welfare contributions at hazard pay sa SK chairperson at mga miyembro.
Binanggit ni Angara na pinalawig din ng panukala ang edad ng SK treasurer mula 18 hanggang 30-anyos na dapat din ay may educational at career background sa business administration, accountancy, finance, economics o bookkeeping.