Panukalang magpapalawak sa Centenarians Act, malapit nang maging batas

Ikinalugod ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., na malapit nang maging ganap na batas ang panukalang pagpapalawak ng coverage ng Centenarians Act o tinatawag na rin ngayong Revilla Bill.

Nagpapasalamat si Revilla sa mga kasamahang senador na buo ang suporta sa kanyang isinusulong na panukala matapos na makakuha ito ng boto na 20 pabor at wala namang pagtutol sa ikatlo at huling pagbasa.

Kapag naging ganap na batas ang Senate Bill 2028, bukod sa centenarians ay makakatanggap na rin ang mga octogenarians at nonagenarians ng cash gift mula sa pamahalaan.


Sa ilalim ng panukala ang mga lolo at lola na aabot ng 80 anyos ay makakatanggap na ng P10,000 habang ang mga nakatatanda na aabot ng 90 anyos ay makatatanggap naman ng P20,000 cash gift.

Ayon kay Revilla, ang benepisyong ito ay handog sa mga lolo at lola na malaki ang naging ambag sa bansa lalo na noong kalakasan pa nila.

Ikinatutuwa ng senador ang development na ito dahil sa kasalukuyang batas ay masyadong matanda na ang mga benepisyaryo bago pa nila matanggap at ma-enjoy ang ibinibigay ng gobyerno na monetary gift sa kanila.

Facebook Comments