Inihain ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang Senate Bill 1965 o panukalang nagpapatigil sa 1-porsyentong increase sa buwanang kontribusyon ng mga myembro ng Social Security System (SSS).
Paliwanag ni Villanueva, kapag naging batas ang kaniyang panukala ay ibabalik sa 12% ang SSS contribution ng mga manggagawa hanggang matapos ang pandemya.
Giit ni Villanueva, malaking tulong ito sa mga manggagawa at mga employer na nagsusumikap bumangon sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Tinukoy pa ni Villanueva na dahil sa pandemya ay tumaas sa 8.7 percent ang unemployment rate sa bansa habang ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay nasa mahigit 3 milyong manggagawa ang naapektuhan ng pagsasara o pagpapatupad ng flexible work arrangements ng mga kompanya.
Samantala, ikinatuwa naman ni Villanueva na suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isa pa niyang inihaing panukala, ang Senate Bill No. 1968, na pansamantalang magsususpinde ng pagtaas ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).