Panukalang magpapanatili ng mga katutubong laro ng bansa, lusot na sa Kamara

Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng mababang kapulungan ang House Bill No. 8466 na layuning ipreserba ang mga katutubo o tradisyunal na laro at palakasan sa bansa at maisama sa mga Palarong Pambansa at iba pang national sports events.

275 mga kongresista ang bomoto pabor sa panukala na magbibigay halaga at mapi-preserba sa mayamang kasaysayan ng mga katutubong Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga tradisyunal na mga laro para sa kabutihan ng mga kabataan.

Sa section 3 ng panukala ay tinukoy ang “indigenous games” bilang mga tradisyunal na palaro at laro na konektado sa tradisyon, kaugalian at gawi, at repleksyon ng kasaysayan ng iba’t ibang indigenous traditional sports, indigenous cultural communities o indigenous peoples, na ipinasa at ipinamana sa kada henerasyon.


Halimbawa nito ang bunong braso, ginnuyudan, hilahang lubid, kadang-kadang, karera sa sako, luksong-tinik, patintero, syato, unggoy-unggoyan.

Kasama rito ang mga laro ng indigenous communities, na ginagamitan ng katutubong materyal bilang obserbasyon sa mga ritwal, cultural festival, pakikipagkapwa, entertainment ang kompetsiyon.

Binibigyan ng panukala ng mandato ang Philippine Sports Commission sa pakikipagtulungan sa Philippine Olympic Committee (POC), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at mga lokal na pamahalaan na magdaos ng taunang indigenous sports competitions sa regional at buong bansa.

Facebook Comments