Nakatawid na sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 7393 o Anti-Financial Account Scamming Act na layuning protektahan ang mamamayan laban sa iba’t ibang cybercrime schemes tulad ng pagnanakaw sa mga bank at E-wallet details.
Nakapaloob sa panukala ang pagpapataw ng parusang ilang taong pagkabilanggo at multa na hanggang limang milyong piso para sa magsasagawa ng mga krimen tulad ng pagiging money mule o mga nagnanakaw, kumukuha, tumatanggap, naglilipat, o nagwi-withdraw ng pera o pondo sa mga banko at E-wallet.
Kasama ring pinapatawan ng panukala ng parusa ang mga sangkot sa social engineering scheme o panloloko para makuha ang confidential o personal na impormasyon ng mga may-ari ng bank account o E-wallet.
Binibigyan din ng panukala ng kapangyarihan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mag-imbestiga, humingi ng cybercrime warrants at orders alinsunod sa Cybercrime Law, at humingi ng tulong sa mga law enforcement agency.
Pinapatiyak naman ng panukala sa mga bangko at iba pang financial institutions na protektado ang access sa kanilang mga account sa pamamagitan ng multi-factor authentication, security redundancies, at iba pang account-holder authentication at verification process.