Inihain ni Senator Manny Pacquiao ang Senate Bill Number 1461 o panukalang Contagion Mitigation Act na kapapalooban ng mga patakarang ipinatutupad ngayon ng Gobyerno para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Itinatakda ng panukala ni Pacquiao ang pagsasagawa ng physical distancing o isang metrong layo ng bawat isa kapag nasa mga pampublikong lugar.
Nasa panukala din ang pagsusuot ng face mask, at pag-iwas sa physical contact kapag bumabati sa ibang tao.
Bawal din ang pagdura sa public places at ang pagbahin ng walang takip ang ilog at bibig pati ang social gatherings.
Mahigpit ding ipinagbabawal ng panukala ang paglabas ng tahanan habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) maliban kung essential service provider, may emergency at bibili ng gamot, pagkain at iba pang pangangailangan.
Inaatasan naman ng panukala ang mga establisyemento na magtakda ng health measures tulad ng regular na pagdi-disinfect, pagpapakalat ng hand sanitizer at pagpapasuot sa kanilang mga tauhan ng face mask at paglalagay ng posters ng paalala ukol sa pag iingat sa virus.
Ang mga lalabag sa unang pagkakataon ay papatawan ng 5,000 pisong multa, 10,000 piso sa ikalawang paglabag at 50,000 piso sa ikatlong paglabag.
Maari namang ipasara o suspendehin ang business establishment na lalabag at pagmumultain ang mga opisyal nito.