Nakahain na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ang House Bill 7352 o accompanying bill na magpapatupad sa Resolution of Both Houses no. 6 na nagsusulong ng Constitutional Convention o Con-Con para sa Charter Change.
Si House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang nag-sponsor sa panukala na nagtatakda na ang Con-Con ay bubuuin ng 316 miyembro kung saan 251 ay ihahalal at 63 ay itatalaga.
Base sa panukala, ang mga magiging delegado ng Con-Con ay dapat ipinanganak sa Pilipinas at edad 25-anyos pataas sa araw ng eleksyon o appointment nito, nagtapos ito ng kolehiyo, rehistradong botante.
Ang paghalal sa mga delegado ng Con-Con ay isasabay sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa huling Lunes ng Oktubre 2023.
Ang termino ng mga delegado ay mula Nobyembre 21, 2023 hanggang Hunyo 30, 2024.