Panukalang magtatakda ng maritime boundaries ng Pilipinas, hiniling na iprayoridad sa Kamara

Umapela si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa Kongreso na ipasa agad ang inihain niyang House Bill 2467, o “An Act declaring the maritime zones under the jurisdiction of the Philippines.”

Itinatakda sa panukala ang maritime boundaries ng Pilipinas kasama ang 200-miles exclusive economic zone (EEZ) ng bansa gayundin ang Chinese-occupied Scarborough o Panatag Shoal sa Zambales o mas kilala bilang Bajo de Masinloc.

Ayon kay Rodriguez, maaaring magsilbing framework ang naturang batas sa pakikipag-negosasyon sa teritorial limits ng mga bansa na may claim sa South China Sea.


Ang panawagan ni Rodriguez sa Kongreso ay kasunod ng napaulat na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia kaugnay sa mga patakaran kung paano lilimitahan ang overlapping territorial boundaries ng dalawang bansa.

Nabuo ang kasunduan bunga ng naging pagbisita sa Jakarta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong nakaraang buwan.

Binigyang-diin ni Rodriguez na hindi dapat matakot ang Kongreso sa magiging reaksyon ng China sa pagsasabatas ng naturang panukala dahil karapatan ito ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS).

Facebook Comments