Panukalang magtatakda ng minimum wage sa mga kawani ng media, inihain sa Kamara

Inihain ng ACT-CIS Party-list sa Kamara ang panukalang magtatakda ng minimum wages sa mga manggagawa ng media sa bansa na nakadepende sa ilang taon nilang experience.

Sa ilalim ng House Bill 2476, bibigyan ang media workers ng “comprehensive benefits package” na na-e-enjoy ngayon ng mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor.

Ayon sa party-list group, kinikilala nila ang hindi matawarang kontribusyon ng media workers sa lipunan at bigyan sila ng dagdag kompensasyon at proteksyon sa ilalim ng batas.


Nakasaad din sa batas na bibigyan ng security of tenure ang mga nagtatrabaho sa industriya ng media.

Kapag namatay ang media worker sa oras ng duty, ang kanyang pamilya ay makakatanggap ng ₱200,000 at mayroon ding disability benefit na nagkakahalaga ng ₱200,000.

Maaari ring i-reimburse ng media worker ang kanilang medical expenses na hindi lalagpas sa 100,000 sakaling magtamo ito ng injury habang naka-duty.

Mabibigyan din ang mga kawani ng media ng cash incentives, scholarship grants, exchange programs at awards.

Itatatag din nito ang Commission on Press Freedom and Media Security (CPFMS) na pamumunuan ng Presidential Communications and Operations Offices (PCOO).

Papalitan nito ang kasalukuyang Presidential Task Force on Media Security.

Facebook Comments