Panukalang magtatatag ng IPC na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa imprastraktura, ieendorso na sa plenaryo

Inaasahang maiisponsoran na ni Senator Kiko Pangilinan sa plenaryo ngayong linggo ang panukalang batas na lilikha ng Independent People’s Commission (IPC) na siyang mag-iimbestiga sa mga katiwalian sa mga infrastructure project.

Natapos na rin sa technical working group (TWG) ang panukalang IPC na dinaluhan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) pagkatapos nito ay ieendorso na ang committee report ng panukalang batas sa plenaryo.

Pinabibigyan ang IPC ng kapangyarihang mag-subpoena at magpa-contempt ng mga magsisinungaling o hindi sasagot ng tama sa imbestigasyon.

Ilan pa sa kapangyarihan na ipagkakaloob sa IPC ang magpa-freeze, magbukas at magpasamsam ng mga bank record at iba pang dokumento at ang kapangyarihan na magsampa ng kaso sa korte o Sandiganbayan.

Binibigyan ng tatlong taon ang IPC na magsiyasat sa katiwalian.

Kapag naging batas, bubuwagin ang kasalukuyang ICI at ia-absorb ang mga tauhan nito pati na ang resulta ng ginawang imbestigasyon.

Hindi naman kasama sa ia-absorb ng IPC ang chairman at commissioners ng ICI dahil ibibigay sa Pangulo ang poder na mag-appoint ng mamumuno sa IPC.

Facebook Comments