Panukalang Maharlika Wealth Fund, magiging bukas sa korapsyon at hindi pakikinabangan ng mahihirap – ayon sa Gabriela Party-list

Matindi ang pagtutol ng Gabriela Women’s Party sa panukalang paglikha ng Maharlika Sovereign Wealth Fund na paglalagakan ng 275 billion pesos na salapi mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Landbank, Development Bank of the Philippines (DBP) at national government.

Babala ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, tiyak itong magiging bukas sa korapsyon at pag-abuso.

Diin pa ni Brosas, hindi ito makakatugon sa hiling ng mamamayan na ayuda, pagtataas ng sahod, at pagpapababa ng presyo ng bilihin.


Para kay Brosas, sa Maharlika investment fund, ay mayayaman lang ang makikinabang habang ang mga maralitang mamamayan ay lalong maghihirap.

Giit ni Brosas, hindi dapat pakialaman pa ang perang pinaghirapan ng mga manggagawa at kawani tulad ng GSIS at SSS funds na dugo’t pawis nila.

Facebook Comments