Target ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na maipasa ang House Bill 6398 o panukalang Maharlika Wealth Fund sa December 12 o bago mag-Christmas break ang Kongreso sa December 17.
Sinabi ito ni Albay 2nd district Representative Joey Salceda na siyang namumuno sa Technical Working Group (TWG) na siyang paplantsa sa mga provision ng panukala.
Ayon kay Salceda, kasama sa titiyakin ng TWG na may sapat na safeguards ang Maharlika Investment Fund Act para matiyak ang maayos na pamamahala sa pondo.
Nakapaloob sa panukala ang pagkakaroon ng start-up fund na P250 billion mula sa apat na government financial institutions at P25 billion mula sa National Government.
Sa paraang ito, mas malaki ang inaasahang kikitain ng gobyerno na siyang gagamitin para sa mga programa at proyekto na national in scale.
Diin ni Salceda, ngayon ang pinaka-akmang panahon para maisabatas ito lalo upang mapondohan ang maraming proyekto na matagal na dapat ipinatupad tulad ng pagpapatayo ng bagong dam at electrification.