Nanawagan si Senator Leila de Lima sa mga kasamahang mambabatas na madaliin ang pagpasa sa inihain niyang Senate Bill No. 1435 o Indigent Job Applicants Discount Act.
Layunin ng panukala ni De Lima na maibsan ang gastos sa paghahanap ng trabaho ng mga mahihirap lalo na ngayong marami ang nagigipit dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay De Lima, napakahalaga para sa bawat indibidwal at pamilya na magkaroon ng tiyak na trabaho at sapat na sweldo, lalo na sa panahon ng mga kalamidad o delubyo.
Subalit, ang problema, dagdag na pabigat sa maralita ang kaliwa’t kanang bayarin sa pagkuha ng mga requirements para sila ay makapaghanapbuhay at matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Nakapaloob sa panukala ang 20% discount sa pagkuha ng mga requirements para sa pag-a-apply sa trabaho tulad ng certificates at clearances mula sa Philippine National Police (PNP), Philippine Statistics Authority (PSA) at Transcript of Records (TOR) mula sa pinagtapusang state universities and colleges ng aplikante.
Tinukoy rin ni De Lima ang sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na umaabot sa 420,000 na mga Pilipino ang nawalan ng trabaho nitong 2020 dahil sa pandemya at kung hindi sila agad magkakatrabaho ay lalong mahihirapan ang pamahalaan na maresolba ang kahirapan sa bansa.