Panukalang mandatory drug test ni Sen. Robin Padilla sa mga opisyal ng gobyerno, tablado sa Palasyo; labag daw sa desisyon ng Korte Suprema

Barado sa Palasyo ang panukala ni Sen. Robinhood Padilla na obligahan ang lahat ng nahalal at itinalagang opisyal ng gobyerno na magpa-drug test.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi naman sila tutol sa panukala pero dapat munang pag-aralan ni Sen. Padilla ang mga inihahain nitong panukala dahil baka aksaya lamang ito sa oras at pondo.

Paliwanag ni Castro, nakasaad na sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Social Justice Society versus Dangerous Drugs Board noong 2008, na labag sa Konstitusyon at privacy ng indibidwal ang mandatory drug test.

Tanging random drug test ang pinapayagan ng batas, kaya malabong maisulong ang panukala.

Sa ilalim ng panukala, isinusulong din ang mandatory drug test sa mga nag-a-apply ng driver’s license, habang voluntary drug test sa mga kandidato ng halalan.

Matatandaang kinuwestyon si Padilla matapos makaladkad ang pangalan ng kanyang dating staff at aktres na si Nadia Montenegro, sa isyu ng paggamit umano ng marijuana ng isang Senate staff sa loob ng gusali ng Senado kamakailan.

Facebook Comments