Pinuri ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang pagpasa ng Mababang Kapulungan sa House Bill 6680 na nagmamandato ng full insurance para sa mga Agrarian Reform Beneficiaries o ARBs na biktima ng mga natural na kalamidad at sakuna.
Inaamyendahan ng panukala ang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988 sa layuning maibalik ang pagkalugi ng ARBs na namuhunan sa anumang lumalagong pananim o stock sa mga fishery farm, production input, livestock, at iba pang farming implements.
Sa pagpasa ng HB 6680, umaasa si Lee na aaprubahan na din ng Kamara ang inihain niyang House Bill 1298 o panukalang paggawa ng mandatory insurance para sa palay at iba pang mahalagang pananim.
Sa ilalim ng panukala ni Lee ay binibigyan din ng legal na batayan ang National Food Authority (NFA) na sagutin ang premium para sa mga mahihirap na magsasaka na napapailalim sa pantay na bahagi sa mga nalikom sa insurance.
Ayon kay Lee, target ng panukala na maitaas ang kita ng Philippine Crop Insurance Corporation at mabigyan ang mga magsasaka ng kapanatagan na hindi nasasayang ang kanilang hirap sa pagtatanim habang tayo ay patuloy na humaharap sa epekto ng climate change.