Panukalang ‘marry-your-rapist’ sa Turkey, binatikos

Inulan ng batikos ang panukalang-batas sa Turkey na nagnanais magbigay ng indulto sa mga lalaking nanghalay ng babaeng edad 18 pababa kung pakakasalan nila ang biktima.

Sa ilalim ng panukalang batas na “marry-your-rapist”, ipagpapaliban umano ang hatol sa child sex offender kung pakakasalan nito ang kanyang biktima.

Pinag-iisipan din ang pagtatakda ng 10 hanggang 15 taon na agwat sa edad ng kriminal at biktima, ayon sa ulat ng The Independent.


Iminungkahi ito ng namumunong partido sa Turkey na Justice and Development Party (AKP) na nagsasabing malulutas ng naturang batas ang problema ng bansa sa child marriage.

Kabi-kabila ang isinasagawang protesta kontra sa batas sa iba’t-ibang bahagi ng Turkey ngayong buwan.

Iginiit ng oposisyon na Peoples’ Democratic Party (HDP) na magbibigay daan lamang ito sa child marriage, panggagahasa at child abuse na nauukol sa batas.

Ipinaglalaban naman ng activist group na We Will Stop Femicide na buburahin lang ng batas ang ebidensya ng mga pang-aabuso sa kababaihan.

Noong 2016, tinutulan din ng mga kababaihan sa Turkey ang kagayang batas na magpapalaya sa mga may salang pang-aabuso ng menor de edad kung pakakasalan at biktima at kung ginawa ang krimen nang walang dahas.

Facebook Comments