Panukalang mas mabigat na parusa sa mga sangkot sa racketeering at syndicated tax fraud, aprubado na sa House Committee Level

Pinagtibay na ng House Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang panukalang magpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa sangkot sa tax racketeering at syndicated tax fraud.

Ayon kay Salceda, ang racketeering ay pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis at paggamit ng mga pekeng resibo, returns o record na ang halaga ay hindi bababa sa P10 million.

Nakasaad sa panukala na 17 hanggang 20 taong kulong at multa ang ipapataw sa mga sangkot sa tax racketeeting habang ang kasabwat nito ay mahaharap sa 10 hanggang 17 taong kulong.


Suportado naman ni Bureau of Internal Revenue o BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang panukala dahil malaking tulong ito para masawata ang mga tax evader na gumagamit ng ghost o pekeng resibo.

Kaugnay nito ay nanawagan naman si Salceda sa Department of Finance (DOF) at BIR na bumuo ng Inter-Agency Task Force na maghahanda ng department order ukol sa pagpapatupad ng Run After Fake Transactions o RAFT Program.

Facebook Comments