Para sa mga kongresista na kasapi ng Makabayan Bloc, hindi na kailangang sertipikahang “urgent” ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ang House Bill 6608 o panukalang Maharlika Investment Fund o MIF.
Giit ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, hindi dapat madaliin ang pagpasa sa panukalang MIF lalo’t wala pa itong counterpart bill sa Senado o kung mayroon man ay hindi pa nasasalang sa talakayan.
Reaksyon ito ni Castro sa pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na mainam na i-certify bilang urgent ni Pangulong Marcos ang MIF Bill upang agad nila itong maipasa.
Base sa pinakahuling tala sa tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez, ay umaabot na sa 275 kongresista ang co-authors ng panukalang MIF.
Diin naman Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, ang pagsuporta ng mayorya ng mga kongresista sa MIF ay hindi nangangahulugan na hindi mapanganib ang panukala.
Ayon kina Castro at Brosas, dapat munang busisiing mabuti ang panukalang MIF na hindi napapanahon dahil lubog ang bansa sa depesito, trilyon-trilyon ang utang at walang “surplus” o sobrang budget para isugal sa MIF.