Panukalang MIF, lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara

Pasado na ngayong hapon sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 6608 o ang panukalang Maharlika Investment Fund o MIF.

Layunin ng MIF na makabuo ng pondo ang Pilipinas na ipupuhunan sa mga negosyo sa loob at labas ng bansa na inaasahang kikita ng malaki para maitulong sa pagpapasigla ng ekonomiya at sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto na para sa mamamayang Pilipino.

Para sa MIF ay mag-aambag ng P25 billion ang Development Bank of the Philippines (DBP), P50-B naman ang ibibigay ng Landbank of the Philippines at 100 percent dividends ang share ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).


Tatayong chairman ng board of directors ng Maharlika Investment Corporation o MIC ang finance secretary, at magiging miyembro ng board ang pinuno ng founding Government Financial Institutions at apat na independent directors na mula sa pribadong sektor, academe, business at investment sector.

Bilang bahagi ng safeguards, magkakaroon ng tatlong audit layer, isang external, isang internal at ang Commission on Audit.

Bubuo rin ng Advisory Body na kabibilangan ng budget Secretary, NEDA Secretary, dalawang miyembro mula sa pribadong sektor, pangulo ng Philippine Stocks Exchange at Bankers Association of the Philippines.

Mayroon ding penal provisions na magpaparusa ng isa hanggang limang taon na kulong at multa na P50,000 hanggang P2 million sa sinumang director, trustee o officer ng MIC na mapapatuyang gumawa ng pag-abuso, pananamantala at pagpapabaya.

Sa ngayon ay umaabot na sa 280 ang mga kongresista na co-authors ng MIF Bill na pangunahing inihain nina House Speaker Martin Romualdez, House Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos at iba pa.

Facebook Comments