Panukalang nag-aamyenda sa Human Security Act, ipapasa ng Senado ngayong linggo

Target ng Senado na maipasa sa loob ng linggong ito ang panukalang batas na nag-aamyenda sa Human Security Act o anti-terrorism law.

Diin ni Senate President Tito Sotto III, kailangan itong maipasa dahil ang pinalakas na anti-terrorism law ang magiging pamalit sa martial law na sinimulang ipatupad sa buong Mindanao noong May 2017.

Ang hakbang ng Senado ay sa harap ng mga rekomendasyon na huwag ng palawagin pa ang umiiral na martial law sa Mindanao na mapapaso na sa December 31.


Kapag naipasa ito ng Senado sa third and final reading ay maari ng ipadala sa Kamara para ipa-adopt o aprubahan ng walang pagbabago at saka ipapadala sa Malakanyang para lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pangunahing itinatakda ng panukala ang pagbilanggo sa paghihinalaang terorista sa loob ng 14 na araw kahit walang kaso, mula ito ‪sa 3 araw lamang ngayon.

Inaalis na rin ng panukala ang multang kalahating milyong piso kada araw ng law enforcer na magkakamali sa pagkalaboso sa pinagsuspetsahang terorista.

Sa panukala ay nilinaw din ang mga krimen na maituturing na terorismo.

Facebook Comments