Isinulong ni Camiguin Representative Jurdin Jesus Romualdo ang panukalang batas magbibigay proteksyon sa mga biktima ng krimen, aksidente, kasama ang mga nagpapatiwakal laban sa walang pahintulot na paglalantad sa media ng kanilang pagkakakilanlan o larawan.
Nakapaloob ito sa inihain ni Romualdo na House Bill 10277 o panukalang “Victims’ Privacy Protection Act” na nagbabawal sa pagsasapubliko ng pagkakakilanlan, larawan o video ng biktima ng krimen o nagpatiwakal nang walang permiso ng kanilang pamilya.
Ayon kay Romualdo, layunin ng kaniyang panukala na mabalanse ang karapatan sa impormasyon gayundin ang kalayaan ng pananalita at karapatan sa privacy.
Sabi ni Romualdo, ito ay upang mapangalagaan ang dangal ng mga biktima at mapahalagahan ang kanilang pamilya na madalas nalalagay sa alanganin ngayong digital age kung saan napakabilis magpakalat ng impormasyon gamit ang teknolohiya.
Diin ni Romualdo, palalakasin din ang kanyang panukala ang Republic Act No. 10173 o ang Data Privacy Act ng 2012 na nagtatakda ng mga pamantayan para maprotektahan ang mga personal na impormasyon.