Panukalang nagbabawal sa hidden charges sa paggamit ng ATM cards, inihain sa Senado

Manila, Philippines – Inihain ni Senator Kiko Pangilinan ang Senate Bill Number 635 o panukala na nagbabawal sa hidden at surprise charges sa paggamit ng automated teller machines o ATM.

Inoobliga ng panukala ang mga bangko o financial institutions na ilabas sa screen ng ATM ang kabuuang transaction fee o surcharge bago makumpleto ang anumang transaksyon.

Paliwanag ni Pangilinan, ito ay para magkaroon ng pagkakataon ang customer na kanselahin o ituloy ang transaksyon sa oras na makita nila ang halagang makakaltas sa kanilang pera.


Inaatasan din ng panukala ang mga banko na sulatan ang kanilang account holders para ipaalam ang transaction fee kapag gumamit sila ng ATM ng ibang banko.

Itinatakda din ng panukala na hindi pagbayarin ang customer para sa ATM transaction na ginawa sa telepono o mobile phone at wala din dapat bayad ang transaksyon kapag walang inilabas na pera ang ATM.

Facebook Comments