Sa oras na malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magiging ganap nang batas ang panukalang nagkakaloob ng honorarium kada buwan sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan o SK na kinabibilangan ng chairman nito, mga kagawad at appointed officials tulad ng SK secretary at treasurer.
Base sa panukala, ang kabuuang budget para sa kanilang honorarium ay hindi dapat lalagpas sa 25 percent ng kanilang SK funds at ang honorarium ay hindi dapat lumagpas sa kompensasyon na tinatanggap ng SK chairman na ex-officio member ng sangguniang barangay.
Nakasaad din sa panukala na ang gagawing SK treasurer ay kailangang may education at career background ukol sa business administration, accountancy, finance, economics o bookkeeping.
Inaatasan din ng panukala ang SK na ibilang sa kanilang mga programa at popondohan ang pagsusulong ng human rights at gender equality o pantay na karapatan ng lahat ng kasarian.
Ayon kay Committee on Youth Chairman Senator Sonny Angara, layunin ng batas na palakasin ang SK na may malaking papel sa pagpapatatag ng bansa.