Magiging pahirap sa mga maliliit na negosyo sakaling maging batas ang panukalang nagmamandato sa mga kompanya na gawaran ng 14th month pay ang kanilang manggagawa.
Sinabi ito ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) kasunod ng pagsusulong ng House Bill No. 520 na inihain ni Kabayan Party-list Representative Ron Salo.
Ayon kay ECOP Vice President George Barcelon, maraming negosyo ang hindi pa lubusang nakakabangon mula sa pagkakalugmok dahil sa COVID-19 pandemic.
Dagdag pa nito, may ilan nang mga kompanya ang nagbibigay ng 14th month pay sa kanilang mga empleyado kapag malakas ang naging financial performance ng kumpanya para sa taong iyon.
Pero sakaling gawing requirement ito ay sinabi ni Barcelon na mahihirapan ang Micro-small and Medium Enterprises (MSME) na ma-meet ito at magiging pasanin lamang sa kanila.
Sa ilalim kasi ng panukala, kailangang maibigay na ang 13th month pay tuwing May 31 bilang paghahanda sa school enrollment habang ang 14th month ay ibibigay bago magsimula ang buwan ng Disyembre bilang paghahanda sa Pasko.