Panukalang nagpapasuspinde sa excise tax sa langis, pinasesertipikahang urgent sa pangulo

Pinasesertipikahang urgent kay Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na nagsusulong ng suspensyon sa koleksyon ng “excise tax” sa mga produktong petrolyo.

Ito ang hamon ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate sa gitna na rin ng kabi-kabilang panawagan na suspendihin ang naturang excise tax bunsod ng serye ng pagtaas ng presyo ng produktong langis sa bansa.

Giit ni Zarate, pahirap at pasakit ang dagdag-presyo sa oil products, sa kasagsagan pa ng COVID-19 pandemic.


Itinuturo ng kongresista na ang pasakit na excise tax ay dala na rin ng TRAIN Law ng administrasyong Duterte.

Sa ilalim aniya ng TRAIN Law, itinaas ang excise tax sa mga produktong petrolyo, bukod pa ito sa sinisingil na Value Added Tax (VAT) na labis na nagpataas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Suportado ng kongresista ang pagsasabatas sa suspensyon sa excise tax sa produktong petrolyo at iniaapela rin nito ang pagbasura sa TRAIN Law na dagdag pabigat sa mga Pilipinong hirap na sa epekto ng pandemya.

Facebook Comments