Inaprubahan na ng House Committee on Health na pinamumunuan ni Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., ang House Bill 9867 o panukalang Pharmaceutical Innovation Act.
Layunin ng panukala na pabilisin ang pagdiskubre at pagpapaunlad ng mga makabagong gamot sa pamamagitan ng pagpapaigting at pagpopondo sa “clinical trials” sa ating bansa.
Ayon kay Tingog PL Rep. Jude Acidre, mainam na magkaroon ng “advancement” ng medical science sa ating bansa sa harap ng nakaparaming sumusulpot na mga hamong-pangkalusugan at mga bagong sakit.
Itinatakda ng panukala ang pagbuo ng Experimental Drug Development and Discovery Center, na magsisilbing “collobrating hub” para sa mga bagay na may kinalaman sa pharmaceutical research and development.
Sa idinaos na pagdinig ay nagpahayag naman ng suporta ang mga opisyal ng mga kaukulang mga ahensya ng pamahalaan gayundin ang mga healthcare at pharmaceutical establishments.
Nagpahayag naman ng tiwala ang Philippine Chamber of Pharmaceutical Industry sa bentahe ng panukala na humihikayat din sa pagpapaigting ng pangangalaga sa kalusugan, paglago ng ekonomiya, akses sa mga bagong gamot, kabilang na ang pagsasaliksik at pagpapaunlad ng ecosystem sa Pilipinas.