Panukalang National Land Use Act, pasado na sa House committee level

Inaprubahan na ng House Special Committee on Land Use ang pinagsama-samang mga panukala para sa panukalang National Land Use Act of the Philippines.

Layunin nito na maglatag ng polisiya para protektahan ang mga lupang sakahan, irrigated at irrigable lands, lupa para sa high-value crops, at ibang lupang pang-agrikultura sa conversion na magreresulta sa problema sa kalikasan.

Nakapaloob sa panukala ang pagtatag ng National Land Use Commission sa ilalim ng Office of the President na siyang papalit sa National Land Use Committee.


Iniuutos din ng panukala ang pagpapataw ng 5 percent na buwis sa mga lupang sakahan na pinapabayaang nakatiwang-wang sa loob ng mahigit isang taon maliban kung mayroong katanggap-tanggap na rason.

Base sa panukala, mahaharap sa pito hanggang 12 taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa ₱100,000 ang mga masasangkot sa illegal land conversion.

Masisibak naman at babawian ng benepisyo ang mga empleyado o opisyal ng gobyerno na lalabag dito.

Sa ilalim ng panukala ay maaaring parusahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga lokal na pamahalaan na mabibigong gawin at ipatupad ang kanilang Comprehensive Land Use Plans.

Facebook Comments