Panukalang nationwide MGCQ, ‘top agenda’ sa cabinet meeting mamayang gabi

Main agenda sa pulong ng cabinet members mamayang gabi ang panukalang isailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa pagsapit ng Marso.

Una rito, sinabi ng Malacañang na posibleng aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala matapos na sang-ayunan ito ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng mayorya ng mga alkalde sa Metro Manila.

Pero kung si Health Secretary Francisco Duque III ang tatanungin, sa tingin niya ay handa na ang bansa sa MGCQ.


Katwiran ng kalihim, naging manageable ang infection rate ng COVID-19 sa bansa sa nakalipas na isang taon na nangangahulugang hindi na-overwhelm ang healthcare system.

Ito ay bunga na rin aniya ng mabilis at epektibong pagtugon ng mga lokal na pamahalaan na mapababa ang kaso sa kanilang mga barangay.

Giit pa ni Duque, walang ebidensya na nagpapakitang tumaas sa 600 ang naitatalang kaso kada araw kung babawasan ang social distancing gaya ng naging projection ng mga health expert.

Hindi rin aniya nangyari ang inaasahang COVID-19 surge matapos ang holiday season.

Kung hihintayin pa ang pagdating ng bakuna bago luwagan ang restrictions, posibleng hindi na mabawi ng bansa ang pinsala ng pandemya sa ekonomiya.

“Bago maging irreversible diumano yung damage sa ekonomiya, kailangan na rin talagang mas magbukas pa. Hindi naman parang magbubukas pa lang tayo, matagal naman nang nakabukas yung ekonomiya, yun nga lang hindi yung pre-pandemic level,” ani Duque sa interview ng RMN Manila.

Kasabay nito, nilinaw ni Duque na hindi naman limitado sa IATF ang mga impormasyon ni Pangulong Duterte.

Susuportahan din nila anuman ang maging desisyon ng Pangulo.

Facebook Comments