Tinawag na “anti-poor” ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang pahayag ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na inaaral na ng pamahalaan ang posibilidad na hindi bigyan ng subsidiya ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps kung hindi magpapabakuna.
Iginiit ni Defensor na ang proposal ay mapaniil, anti-poor at hindi katanggap-tanggap.
Punto ng kongresista, mas lalong mahihirapan ang indigent families at ang dependents nito kung ipagkakait sa kanila ang inaasahang cash subsidies.
Sa halip aniya na parusahan ang mga mahihirap na pamilya ay dapat na humanap ng paraan ang gobyerno kung paano mapapahusay ang access ng publiko sa mga serbisyo para sa COVID-19 vaccine.
Umapela naman si House Assistant Minority Leader Arlene Brosas na ituon na lamang ng pamahaalan sa mas epektibong vaccine information ang panghihikayat sa mga 4Ps beneficiaries para magpabakuna kaysa sa magbaba ng panibagong kondisyon para makatanggap ng ayuda.
Kailangan din aniyang lutasin ang pagpapabilis ng delivery ng bakuna sa mga probinsya lalo’t sa labas ng Metro Manila ay wala pang rehiyon ang nakapagbakuna ng 50% ng populasyon nito.