Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang panukalang paglikha ng komprehensibong nutrition and wellness program para sa mga senior citizens upang mapalakas ang kanilang pangangatawan.
266 na mga kongresista ang bomoto pabor sa naturang panukala o House Bill No. 8461 na mag-aamyenda sa Republic Act No. 7432 o ang Senior Citizens Act.
Inaatasan ng panukala ang National Nutrition Council (NNC), Department of Health (DOH) at mga local government units sa pamamagitan ng kani-kanilang Office for the Senior Citizens Affairs na lumikha ng komprehensibong nutrition and wellness program para sa kanilang mga senior citizen.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang pagpasa sa panukala ay patunay ng commitment ng Kamara na makatulong sa pagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino lalo na ang mga nakatatanda na dapat lamang pangalagaan.
Umaasa naman si Senior Citizen committee chairman at Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo Ordanes Jr., na mas makakatipid ang mga senior citizen sa gastos sa pagpapaospital at pagpapagamot dahil mas magiging malusog ang pangangatawan nila kung mabibigyan sila ng sapat na nutrisyon.