Panukalang on-site relocation para sa mga informal settlers, lusot na sa committee level

Inaprubahan ng House Committee on Housing and Urban Development ang substitute bill para sa panukalang on-site relocation para sa mga Informal Settlers Families (ISFs) na pangungunahan ng mga Local Government Units (LGUs).

Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act 7279, o ang Urban Development and Housing Act of 1992.

Iginiit ng Chairman ng komite na si Cavite Rep. Strike Revilla na napakahalaga na maipasa na agad ang panukalang ito upang matugunan ang pangangailangan ng mga informal settlers mula sa mga syudad.


Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, isa sa may-akda ng panukala, ang ginagawa ngayon ng pamahalaan ay off-site relocation kung saan nagtatayo ng pabahay sa labas ng Metro Manila ngunit malayo naman sa trabaho, sa paaralan, walang social services at hindi natutugunan ang ibang pangangailangan.

Tinukoy naman ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na dahil sa ganitong problema ay bumabalik muli sa metropolis ang mga ISFs habang ang iba ay ibinebenta ang mga ibinigay na housing units at bumabalik ulit sa mga dating tirahan.

Sa pangunguna ng beneficiary-association at ng Presidential Commission for the Urban Poor ay maglalatag ng plano na maglalaman ng site development plan na sumusunod sa comprehensive land use plan ng LGU kung saan dito itatayo ang project site para sa pabahay ng mga informal settlers.

Facebook Comments