Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2534 o ang dagdag na P100 sa arawang minimum na sahod ng mga manggagawa at empleyado sa pribadong sektor.
Sa botong 20 na sang-ayon at walang pagtutol ay tuluyang naaprubahan sa plenaryo ng Senado ang minimum wage hike bill sa private sector.
Saklaw ng panukala ang lahat ng mga manggagawa at empleyado sa pribadong sektor sa buong bansa.
Magkagayunman, exempted naman sa minimum wage ang micro enterprises o iyong mga maliliit na negosyo na may tauhan na sampu pababa o kaya ang mga negosyong ang kapital o puhunan ay P3 million o mas mababa pa salig na rin sa Republic Act 9178 o ang barangay Micro Business Enterprises Act of 2002 at Republic Act 6727 o Wage Rationalization Act of 1989.
Oras na maisabatas ay inaasahang 4.2 million na minimum wage earners ang makikinabang dito.
Ayon kay Senate Committee on Labor Chairman Senator Jinggoy Estrada, nararapat lamang ang dagdag sa arawang sahod ng minimum wage earners lalo na sa panahon ngayon na walang tigil ang pagtaas sa mga bilihin at iba pang mga gastusin.