Sa botong pabor ng 296 mga kongresista habang tatlo ang tumutol ay pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng house of representatives ang House Bill 8980 o ang 2024 General Appropriations Bill.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang P5.768-T na 2024 national budget ay dumaan sa masinsing diskusyon, partikular confidential at intelligence funds, na hinimay mabuti ng Kamara upang masigurong tama at naaayon ang gagawing paggugol sa limitadong pondo ng gobyerno.
Ang sektor ng edukasyon ang nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon na nagkakahalaga ng P924.7 bilyon.
Nilaanan naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng P822.2 bilyon kasama ang para sa pagsasaayos ng mga daan habang binibigyang prayoridad naman sa sektor ng imprastraktura ang North-South Commuter Railway System at Metro Manila Subway Project Phase 1.
Nadoble naman ang budget ng Department of Transportation sa P214.3 bilyon, na nakatuon sa mass transport at rail systemsm at P181.4 bilyon naman ang nakalaan sa Agriculture department.
Ang Department of Health (DOH) naman ay nabigyan ng P306.1 bilyon, habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nilaanan ng P209.9 bilyon.
Tumaas naman ng 14.16% ang budget ng Department of National Defense (DND) na P232.2 bilyon.