Panukalang P5.768 trillion na 2024 national budget, mabilis na nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado

Mabilis na inaprubahan ngayong hapon ng mga mambabatas sa plenaryo ng Senado ang P5.768 trillion na 2024 national budget.

Sa botong 21 na pabor, wala namang tumutol at isang nag-abstain ay nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang 2024 General Appropriations Bill (GAB) matapos na sertipikahang urgent ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Bago pinal na pagtibayin ang panukalang pambansang pondo sa susunod na taon ay hindi na idinetalye ni Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang halaga ng mga major amendments na inilatag sa budget.


Hindi na rin binanggit ang kontrobersyal na Confidential at Intelligence Fund (CIF) kung saan naunang tinanggihan o pinabawasan na ng ilang ahensya ang kanilang mga confidential funds kabilang ang Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd), Office of the Ombudsman at iba pang civilian agencies.

Kabilang naman sa mga binanggit ni Angara na amyenda sa budget P1 billion augmentation na pondo para sa Department of Science and Technology (DOST) at P50 million na dagdag sa Learner Support Program ng DepEd.

Susunod na isasalang ang proposed 2024 budget sa Bicameral Conference Committee para pagkasunduin ang mga bersyon ng pambansang pondo ng Senado at Kamara.

Bubuuhin naman ang Senate Bicam panel sa pangunguna ni Angara kasama sina Senators Pia Cayetano, Loren Legarda, Imee Marcos, Cynthia Villar, Bato dela Rosa, Win Gatchalian, Bong Go, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, Francis Tolentino, Mark Villar, JV Ejercito, at Jinggoy Estrada.

Pagkatapos naman sa Bicam ay raratipikahan ng dalawang kapulungan ang Bicam report sa final version ng 2024 budget at saka naman ito dadalhin sa pangulo para malagdaan.

Facebook Comments