Panukalang pabigatin ang parusa sa mga nagpupuslit ng kontrabando sa kulungan, aprubado na sa House Committee Level

Aprubado na ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Negros Occidental 4th District Rep. Juliet Marie de Leon Ferrer ang House Bills 1658 at 4061 na parehong may layuning pabigatin ang parusa ng mga nagpupuslit ng kontrabando sa mga kulungan.

Sa inihaing House Bill ay sinabi ni Pasig City Rep. Roman Romulo na patuloy ang paglipana ng mga kontrabando sa loob ng kulungan na isang paghamak sa ating justice system.

Binigyang diin naman ni Quezon City Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde sa inihain niyang House Bill 4061 na panahon nang matuldukan ang iligal na pagpapapasok at pag-aari ng mga kontrabando sa mga kulungan.


Sa ilalim ng nabanggit na mga panukala, sinumang magpapasok ng kontrabando sa piitan ay makukulong ng anim hanggang 40 na taon, at multang P1 million hanggang P10 million.

Sakaling isang inmate ang mahatulan, ang parusa ay idadagdag sa orihinal na sentensya sa kaniya.

Kung ang mahahatulan naman ay opisyal o empleyado ng gobyerno, siya ay mahaharap din sa “absolute perpetual disqualification” o habambuhay na diskwalipikasyon sa pag-upo sa public office, pag-alis ng retirement benefits at mga naipong leave.

Facebook Comments