Umapela si ACTS-OFW Partylist Rep. John Bertiz sa Kamara na magpasa at suportahan ang pagkakaroon ng batas para sa pormal na financial literacy program sa mga OFW.
Ayon kay Bertiz, may mga kasalukuyang programa tulad ng pinansyal na talino at kaalaman o Pitaka Program kung saan kasama ang financial literacy program sa Pre-Departure Orientation Seminars (PDOS) at Post-Arrival Orientation Seminars (PAOS) ng mga OFW.
Pero sinabi ng kongresista na mas malaki ang maitutulong sa mga OFW at sa pamilya nito kung may batas na titiyak na ang perang pinaghirapan ay hindi mauuwi sa wala.
Hiling ng kongresista sa mga kasamang mambabatas ay agad na aksyunan ang mga panukalang nakabinbin sa Kamara tulad ng pag-amyenda sa migrant workers and Overseas Filipinos Act of 1995.
Sa ilalim ng House Bill 6649, isasama dito ang financial at entrepreneurial education program sa mga papaalis na OFW.