Matapos ang unang opisyal na pag-uusap nila ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ay naniniwala si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na malapit ng magkasundo ang Kamara at Senado kaugnay sa panukalang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL).
Inihayag ito ni Romualdez sa kaniyang pagdalo sa paglulungsad ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) program at payout ng ayuda sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang nabanggit na Agriculture Convergence Event ay ginanap sa Tiaong Convention Center kung saan halos 4,000 magsasaka ang pinagkaloobsn ng ayuda sa ilalim ng TUPAD program.
Binigyang diin ni Romualdez na mahalagang maamyendahan ang RTL upang magpatuloy ang suporta sa mga lokal na magsasaka at maprotektahan ang mga konsumer laban sa mataas na presyo ng bigas.
Giit ni Romualdez, kailangan ding maibalik ang mandato ng National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng murang bigas sa publiko.
Sabi ni Romualdez, ang paglalapat ng reporma sa Rice Tariffication Law ay kritikal na hakbang para matiyak ang seguridad sa pagkain ng buong bansa at mapatatag ang kabuhayan ng ating mga magsasaka.